Umabot na sa 45 ang bilang ng mga nasawi sa Mindanao matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama noong Hunyo 8, 2026, ayon sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD).
Kabilang sa mga bagong naitalang biktima ang pitong katao mula sa Jose Abad Santos, Davao Occidental, at isa mula sa Malita sa parehong lalawigan.
Ayon sa OCD, 17 katao pa ang patuloy na pinaghahanap, kabilang ang apat mula sa Glan, Sarangani at apat mula sa General Santos City.
Samantala, mahigit 450 indibidwal ang naitalang sugatan, habang tinatayang 35,673 pamilya mula sa 199 barangay sa Regions 9, 11, 12, at BARMM ang apektado ng kalamidad.
Patuloy ang malawakang search, rescue, at retrieval operations na kinabibilangan ng mahigit 3,700 tauhan mula sa Philippine Army, PNP, BFP, at Philippine Coast Guard, katuwang ang 21 air at sea assets para sa paghatid ng tulong at suplay.
Naapektuhan din ng pagyanig ang imprastruktura sa rehiyon, kung saan 3,169 kabahayan ang nasira kabilang ang 528 na tuluyang gumuho. Tinatayang aabot sa ₱562.8 milyon ang pinsala sa mga kalsada, tulay, at iba pang pasilidad, kabilang ang General Santos Airport.
Naitala rin ang mahigit 1,953 aftershocks mula Hunyo 8 hanggang Hunyo 10 na may lakas mula magnitude 1.2 hanggang 6.4, na patuloy na nararamdaman sa ilang lugar.
Dahil dito, nananatiling suspendido ang klase sa Regions 11 at 12, gayundin sa ilang bahagi ng Region 9 at BARMM.
Nag-deploy rin ang Department of Information and Communications Technology ng Starlink satellite units upang maibalik ang komunikasyon sa mga liblib na lugar, habang nakapagbigay na ang DSWD ng halos ₱4.8 milyon na tulong na kinabibilangan ng pagkain at non-food items.
Patuloy na pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na maging handa sa aftershocks, alamin ang evacuation routes, at makinig lamang sa mga opisyal na abiso mula sa OCD at PHIVOLCS.

















