Sumusuporta ang malaking bilang ng mga Pilipino sa pakikipag-alyansa ng pamahalaan sa mga bansang may kaparehong paninindigan upang maprotektahan ang West Philippine Sea, ito ay ayon sa Pulse Asia survey na kinomisyon ng Stratbase Institute.

Lumabas sa survey na 86 porsiyento ng mga respondent ang pabor sa pakikipagtulungan sa ibang bansa alinsunod sa 2016 Arbitral Award. Pinakamataas ang suporta sa Mindanao na may 91 porsiyento, sinundan ng Metro Manila (90%), Visayas (86%), at Luzon (82%).

Ayon kay Dindo Manhit, presidente ng Stratbase ADR Institute, ipinapakita ng mga Pilipino ang suporta sa pagpapatupad ng arbitral ruling at pagpapalakas ng ugnayan sa mga bansang sumusuporta sa pandaigdigang batas upang mapangalagaan ang kalayaan at soberanya ng bansa.

Samantala, naghain ang DFA ng diplomatikong protesta laban sa China matapos matukoy ang isang “movable floating platform” sa Bajo de Masinloc o Panatag Shoal. Ayon kay Rogelio Villanueva Jr., ang naturang istruktura ay paglabag sa soberanya at hurisdiksyon ng Pilipinas.

Nagkasundo rin ang Pilipinas, Estados Unidos, at Japan na higit pang palalimin ang kanilang kooperasyong pandagat sa ginanap na Trilateral Maritime Dialogue sa Maynila noong Hunyo 8.

Malinaw na ipinapakita ng Mga kapwa natinn Pilipino ang kanilang suporta sa mga hakbang ng pamahalaan upang ipagtanggol ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Batay sa mga resulta ng survey, naniniwala ang karamihan na mahalagang ipagpatuloy ng Pilipinas ang matatag na paninindigan sa harap ng mga hamon at panghihimasok sa ating karagatan.

Ang malawak na suportang ito ay nagpapakita na nauunawaan ng mga Pilipino ang kahalagahan ng West Philippine Sea hindi lamang bilang bahagi ng ating teritoryo kundi bilang pinagkukunan ng kabuhayan ng libu-libong mangingisda at mahalagang bahagi ng pambansang seguridad.

Dahil dito, maraming mamamayan ang sumasang-ayon sa mga hakbang ng gobyerno na igiit ang ating mga karapatan sa pamamagitan ng pandaigdigang batas, partikular ang 2016 Arbitral Award na kumikilala sa legal na posisyon ng Pilipinas.

Sinusuportahan din ng mga Pilipino ang pakikipagtulungan ng bansa sa mga kaalyado at partner nations tulad ng Estados Unidos, Japan, at iba pang bansang naninindigan para sa malaya at bukas na Indo-Pacific. Para sa marami, ang pagpapalakas ng mga alyansang ito ay mahalagang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad, at katatagan sa rehiyon.

Kasabay nito, ipinapakita rin ng suporta ng publiko na nais nilang manatiling matatag ang pamahalaan sa pagtugon sa mga insidente ng panghaharas at iba pang kilos na lumalabag sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Nakikita nila na ang pagsusulong ng diplomasya, paghahain ng mga diplomatikong protesta, at pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa larangan ng maritime security ay mga mahalagang hakbang upang maprotektahan ang ating pambansang interes.

Sa kabuuan, malinaw ang mensahe ng mga Pilipino ay suportado nila ang mga inisyatiba ng pamahalaan na ipaglaban ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.

Ipinapakita nito ang pagkakaisa ng mamamayan sa hangaring mapanatili ang soberanya, seguridad, at dignidad ng Pilipinas sa harap ng mga patuloy na hamon sa ating karagatan.