Mabilis na nailigtas ng mga tauhan ng Police Station 3 ng Cotabato City Police Office ang isang babae matapos itong magtangkang tumalon sa Tamontaka Bridge kahapon, June 12.

Ayon sa ulat, dakong alas-11:10 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon ang mga pulis hinggil sa isang babaeng nasa bahagi ng tulay at pinaniniwalaang nagbabalak na wakasan ang sariling buhay.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 3 at sa pamamagitan ng maagap na aksyon at mahinahong pakikipag-usap ay napigilan ang insidente at matagumpay na naisiguro ang kaligtasan ng babae.

Matapos ang insidente, isinailalim sa kaukulang pag-aalaga at pag-asikaso ng mga pulis ang nasabing babae upang matiyak ang kanyang kalagayan bago ito ligtas na naibalik sa kanyang pamilya.

Muling iginiit ng Philippine National Police ang kanilang kahandaan na tumugon at tumulong sa mga mamamayan lalo na sa panahon ng krisis at emerhensiya, kasabay ng patuloy na pagsisikap na mapangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng komunidad.