Nagtipon ang mga opisyal ng militar, pulisya, Moro Islamic Liberation Front o MILF, at mga lokal na opisyal sa Basilan upang pag-usapan ang seguridad kasunod ng insidente sa Tipo-Tipo na ikinasugat ng ilang sundalo.

Pinangunahan ni People’s Governor Mujiv Hataman ang close coordination meeting na isinagawa sa Taguime Conference Room ng Basilan Government Center sa Lamitan City.

Kabilang sa dumalo sina Provincial Negotiator Al-Rasheed Sakkalahul, Basilan Police Chief PCol Edison Dumangas, at BGen Frederick M. Sales ng 1101st Infantry Brigade kasama ang ilang MILF commanders.

Dumalo rin sa pulong sina Al-Barka Vice Mayor Mar Tokong at Tipo-Tipo Mayor Arcam Istarul.

Nakatuon ang talakayan sa mga hakbang na kailangang isagawa ng mga concerned groups at lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa mga lugar na apektado ng insidente.

Kasama rin sa naging usapin ang koordinasyon ng mga security forces at iba pang stakeholders kaugnay ng pagtugon sa insidente.

Samantala, tiniyak sa pagpupulong ang pagsasagawa ng mga kinakailangang hakbang para matunton at mapanagot ang mga responsable sa naturang insidente.