Binuwag ng mga awtoridad ang isang hinihinalang drug den at naaresto ang apat na indibidwal sa buy-bust operation sa Barangay Dalumangcob, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte noong Oktubre 3.
Pinangunahan ang operasyon ng PDEA BARMM Maguindanao del Norte Provincial Office, katuwang ang Sultan Kudarat Municipal Police Station, PDEG SOU 15, PIU Maguindanao del Norte at PIT MDN-RIU 15.
Kabilang sa mga naaresto si alyas Jake, 46-anyos at umano’y maintainer ng drug den, kasama sina alyas Taher, 38; alyas Ban, 35; at alyas Keks, 26, na pawang mga residente ng Barangay Dalumangcob.
Narekober sa operasyon ang tinatayang 15.5 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa 14 heat-sealed transparent plastic sachets na nagkakahalaga ng 105,400 pesos.
Narekober din ang dalawang cellphone, buy-bust money, isang itim na pouch, mga identification card at iba’t ibang drug paraphernalia.
Inihahanda na ang pagsasampa ng mga kaso laban sa apat na suspek dahil sa paglabag umano sa Sections 5, 6, 7, 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















