Isang magnitude 5.3 na lindol ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) alas-12:03 ng tanghali nitong Hunyo 25, 2026.
Batay sa ulat ng PHIVOLCS, natukoy ang episentro ng lindol sa layong 71 kilometro timog-kanluran ng Balut Island sa Bayan ng Sarangani, Davao Occidental. May lalim itong 10 kilometro at tectonic ang pinagmulan ng pagyanig.
Naramdaman ang Intensity II sa Lungsod ng General Santos ayon sa mga ulat na natanggap ng ahensya.
Samantala, nakapagtala naman ang mga instrumento ng PHIVOLCS ng Intensity III sa General Santos City, mga bayan ng Maasim, Malapatan at Kiamba sa Sarangani Province, at sa T’boli, South Cotabato.
Naitala rin ang Intensity II sa Malitbog, Bukidnon; Palimbang, Sultan Kudarat; Tupi, South Cotabato; at sa Maitum at Malungon, Sarangani.
Samantala, Intensity I naman ang naitala sa Surallah, Tampakan at Koronadal City sa South Cotabato, gayundin sa Digos City, Davao del Sur.
Ayon sa PHIVOLCS, walang inaasahang pinsala mula sa naturang pagyanig. Gayunman, posible pa ring makaranas ng mga aftershock sa mga susunod na oras o araw kaya pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.

















