Inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang bagong digital platform na naglalayong gawing mas malinaw, mas bukas, at mas madaling masubaybayan ng publiko ang paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Tinawag na “Centralized Open Monitoring Platform for Appropriations and Spending Statistics” o “DBM COMPASS”, ang online system ay binuo ng Department of Budget and Management upang bigyang-daan ang mas mataas na antas ng transparency at pananagutan sa paggastos ng gobyerno.
Kasabay ng paglulunsad nito, pinagtibay rin ng Pangulo ang updated “Philippine Public Financial Management Reform Roadmap 2024–2028”, na nagsisilbing gabay sa patuloy na pagpapabuti ng pamamahala sa pananalapi ng bansa.
Ayon kay Pangulong Marcos, may karapatan ang bawat Pilipino na malaman kung paano ginagamit ang kanilang ibinabayad na buwis, dahil ang pondo ng pamahalaan ay dapat direktang mapakinabangan ng mamamayan.
Sa pamamagitan ng DBM COMPASS, magkakaroon ang publiko ng access sa isang online portal na naglalaman ng interactive charts at iba pang datos kung saan makikita ang inilaang badyet, mga obligasyon, at aktuwal na pondong nailabas ng bawat ahensya at rehiyon.
Iginiit din ng Pangulo na ang mahusay na pamamahala sa pondo ay mahalaga upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga paaralan, pagpapaganda ng mga ospital, pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda, at pagpapatuloy ng mga proyektong pangkaunlaran, kabilang ang mga nasa malalayong komunidad.
Bukod dito, pinalawak din ng administrasyon ang paggamit ng Project DIME, isang monitoring system na gumagamit ng satellite technology upang masubaybayan ang implementasyon ng mga proyektong pang-imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa huli, inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na tiyaking nakaayon ang kanilang mga badyet sa pangunahing prayoridad ng bansa, kasabay ng pagpapahusay sa pag-uulat at pagbabantay sa implementasyon ng mga proyekto. Binigyang-diin niya na ang tunay na sukatan ng mahusay na pamamahala ay hindi lamang ang tamang alokasyon ng pondo sa papel, kundi ang konkretong benepisyong nararamdaman mismo ng taumbayan.

















