Lumabas sa paunang assessment ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na nauunawaan umano ng 15-anyos na suspek ang kanyang naging papel sa naganap na pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.

Ayon kay Rex Gatchalian, ipinakikita ng inisyal na pagsusuri ng mga social worker na may kakayahan ang menor de edad na maunawaan ang kaniyang mga naging kilos at ang posibleng epekto ng mga ito.

Dahil dito, maaari nang magpatuloy ang pagdinig ng kaso sa korte. Gayunman, nasa hukuman pa rin ang pinal na pagpapasya kung tatanggapin ang assessment ng DSWD bilang batayan sa pagtukoy sa pananagutan ng suspek.

Samantala, hinihintay pa ng DSWD ang resulta ng psychological assessment sa 15-anyos na suspek at sa 14-anyos nitong kasama. Layunin nitong matukoy ang motibo sa krimen at ang naaangkop na intervention at rehabilitasyon para sa dalawang menor de edad.

Matatandaang noong Hunyo 22, naganap ang pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City, na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng ilan pa.

Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang 15-anyos na suspek, habang exempted naman sa criminal liability ang 14-anyos nitong kasama alinsunod sa Republic Act No. 9344.

Sa kasalukuyan, nananatiling nasa kustodiya ng DSWD rehabilitation center ang dalawang menor de edad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at kaukulang legal na proseso.