Lima ang nasawi, dalawa ang nasugatan, habang anim pa ang nawawala matapos ang pagguho ng lupa sa Barangay Ngingir, Calanogas, Lanao del Sur, madaling-araw nitong Biyernes, Hulyo 10.

Batay sa paunang ulat ng mga awtoridad, naganap ang landslide bandang 2:30 ng madaling-araw, na pinaniniwalaang dulot ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan na dala ng Bagyong Inday at pinalakas ng Southwest Monsoon o Habagat.

Nakatanggap ng ulat ang Calanogas Municipal Police Station hinggil sa insidente at agad na nagpadala ng mga rumespondeng tauhan. Gayunman, alas-6:00 na ng umaga nang makarating ang mga ito sa lugar dahil sa hindi madaanang kalsada.

Humigit-kumulang 10 kilometro ang layo ng pinangyarihan mula sa himpilan ng pulisya kaya kinailangang lakarin ng mga responder ang natitirang bahagi ng biyahe.

Sa isinagawang paunang imbestigasyon, lumabas na gumuho ang malaking bahagi ng lupa bunsod ng walang tigil na pag-ulan, na tumabon sa mga biktimang nasa lugar nang mangyari ang insidente.

Patuloy ang isinasagawang search, rescue, at retrieval operations ng mga tauhan ng Calanogas Municipal Police Station, katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP), lokal na pamahalaan, mga opisyal ng barangay, at mga volunteer rescuers.

Sa pinakahuling tala, lima ang kumpirmadong nasawi, dalawa ang nasugatan, at anim pa ang patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad. Kinilala ang mga nawawala na sina Mujahid Abdulmajid, Mobairah Abdulrashid, Norhasan Abdulrashid, Lilikan Arab, Norlin Ali, at Norhanima Ali.