Tuluyan nang nakapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Storm Josie, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 1,105 kilometro silangan ng Eastern Visayas. Taglay nito ang lakas ng hanging 65 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong umaabot sa 80 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang kanluran o northwestward sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, napanatili ng Tropical Storm Josie ang lakas nito matapos makapasok sa loob ng PAR.
Samantala, dahil sa umiiral na Southwest Monsoon o Habagat, inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, at La Union, na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms. Posible rin ang biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng malalakas na thunderstorm.
Samantala, sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sinabi ng PAGASA na localized thunderstorms ang pangunahing nakaaapekto sa buong rehiyon. Dahil dito, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog. Nagbabala rin ang ahensya sa posibilidad ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na makakaranas ng malalakas na buhos ng ulan na may kasamang thunderstorms.
Dahil dito, muling pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na manatiling alerto, subaybayan ang mga opisyal na weather bulletin, at mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng malalakas na pag-ulan.

















