Inilipat ng Senate impeachment court sa Hulyo 20 ang pagtestigo ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang paglipat ng iskedyul ay upang mabigyan ng pagkakataon si Matibag na makadalo sa isang nakatakdang official engagement sa Bangkok, Thailand sa Hulyo 21 hanggang 22.
Inaprubahan ni Senate President at Trial Presiding Officer Francis Escudero ang kahilingan ng prosecution panel sa kabila ng pagtutol ng kampo ng depensa at ng naging palitan ng argumento sa pagdinig.
Gayunman, nilinaw ni Escudero na kinakailangang ipagpatuloy ni Matibag ang kaniyang pagtestigo hanggang sa makumpleto ng magkabilang panig ang kanilang direct examination, cross-examination, redirect examination, at recross examination kung kinakailangan.
Ayon pa sa Senate impeachment court, kung hindi matatapos ang pagtestigo ng NBI director sa Hulyo 20, ipagpapatuloy ito sa susunod na itinakdang araw ng paglilitis hanggang makumpleto ang lahat ng kinakailangang pagtatanong.
Kasabay nito, iniutos ng impeachment court ang pagpapalabas ng subpoena kay Matibag upang humarap sa Senado sa ganap na alas-2:00 ng hapon sa Hulyo 20.
Inaasahang magiging sentro ng kaniyang testimonya ang isinagawang imbestigasyon ng NBI kaugnay ng naging pahayag ni Vice President Duterte noong Nobyembre 23, 2024, kung saan sinabi nitong mayroon na umano siyang kinontratang tao upang patayin sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kaniya.
Bahagi ang naturang isyu sa mga usaping sinusuri sa nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa Bise Presidente.

















