Niyanig ng Magnitude 5.5 na lindol ang karagatang malapit sa Balut Island sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental, pasado alas-12:12 ng madaling araw ngayong Sabado, July 18, batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS.

Ayon sa ahensya, naitala ang sentro ng lindol sa layong 10 kilometro timog, kanluran ng Balut Island, na may lalim na 14 kilometro.

Naramdaman ang Intensity IV sa General Santos City, mga bayan ng Malapatan at Glan sa Sarangani, gayundin sa Tupi, South Cotabato.

Intensity III naman ang naitala sa mga bayan ng Kiamba at Maasim sa Sarangani, habang iba-iba namang instrumental intensities ang naitala sa ilang bahagi ng Cotabato, Sultan Kudarat, Davao del Sur, Davao Occidental, South Cotabato, at iba pang karatig-lugar.

Ayon pa sa PHIVOLCS, ang pagyanig ay isang aftershock ng Magnitude 7.8 na lindol sa karagatan ng Sarangani at Magnitude 6.5 na lindol sa Davao Occidental na naganap noong June 2026.

Sa ngayon, patuloy na pinapayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na manatiling mapagmatyag at sundin ang mga paalala ng mga awtoridad sakaling magkaroon ng mga kasunod pang pagyanig.