Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang Tropical Depression “Kiyapo” habang patuloy ring nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa Mindanao.
Sa weather bulletin ng PAGASA kaninang alas-3:00 ng madaling-araw, namataan ang sentro ng Tropical Depression Kiyapo sa layong 960 kilometro silangan ng Central Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 55 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Samantala, dahil sa epekto ng habagat, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog at pagkidlat sa buong Mindanao.
Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Habang ang Bicol Region, Eastern Visayas, at Romblon ay maaari ring makaranas ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa trough o extension ng Tropical Depression Kiyapo.

















