Itinaas na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Intensity Scale ng bagyong Kiyapo bilang isang Tropical Storm habang patuloy itong nakaaapekto sa lagay ng panahon sa malaking bahagi ng bansa ngayong Biyernes, July 24.

Sa weather bulletin ng PAGASA alas-3:00 ng madaling-araw, namataan ang sentro ng Tropical Storm Kiyapo sa layong 355 kilometro silangan ng Aparri, Cagayan.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 80 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.

Bukod sa bagyo, patuloy ring nakaaapekto ang southwest monsoon o habagat sa mga bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao, na magdudulot ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at thunderstorms.

Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng biglaang pagbaha, pagguho ng lupa, at malalakas na hangin, lalo na sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang sa matinding pag-ulan.

Batay sa forecast track, inaasahang magla-landfall ang Tropical Storm Kiyapo sa Babuyan Islands ngayong tanghali bago tuluyang lumabas ng Philippine Area of Responsibility mamayang gabi.

Samantala, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at hilaga at gitnang bahagi ng Aurora.

Inaasahan din ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila, CALABARZON, nalalabing bahagi ng Central Luzon, MIMAROPA, at Pangasinan, kung saan posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa sa oras ng malalakas na pag-ulan.