Bumisita sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea ang bagong Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Antonio G. Nafarrete, noong July 25 kung saan nakipagpulong siya sa mga sundalong nakatalaga sa Joint Task Unit Pag-asa at kinilala ang ilang natatanging military personnel.

Sa naturang pagbisita, iginawad ni General Nafarrete ang Meritorious Achievement Medal kina Major Mark Erick R. Garcia ng Philippine Navy, Officer-in-Charge ng Joint Task Unit Pag-asa; Major Thomas Joseph D. Chan ng Philippine Air Force, Squadron Commander ng Tactical Operations Squadron Pag-asa; at Ensign Kristian G. Pocsoen ng Philippine Navy, Acting Commanding Officer ng Naval Station Emilio Liwang.

Pinuri rin ng AFP Chief ang mga sundalo dahil sa kanilang dedikasyon, propesyonalismo, at patuloy na pagtupad sa tungkulin sa pagbabantay sa soberanong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Tiniyak din ni General Nafarrete ang patuloy na suporta ng pamunuan ng AFP sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga yunit na nakatalaga sa mga estratehikong lugar upang maging ligtas at epektibo ang kanilang operasyon.
Ayon sa AFP, bahagi ng pagbisita ang pagpapatibay sa kakayahan ng mga frontline defense units at pagkilala sa serbisyo ng mga sundalong nakadestino sa mga estratehikong lugar ng bansa.


















