Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang anim na pasahero matapos tumaob ang sinasakyan nilang motor banca sa karagatan ng Barangay Pura, Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte noong Hulyo 29.
Ayon sa PCG, agad silang nagsagawa ng search and rescue operation matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa insidente.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na bumiyahe ang motor banca mula Barangay Pura patungong Barangay Nalkan nang masira ang kaliwang katig nito dahil sa malalakas na alon, na naging dahilan ng pagtaob ng bangka.
Ligtas na nasagip ang lahat ng anim na pasahero at agad na dinala sa Rural Health Unit para sa medical assessment.
Matapos masuri ng mga doktor, pinayagan ding makauwi ang mga biktima matapos mapag-alamang nasa maayos at ligtas na kondisyon ang kanilang kalusugan.
Pinuri naman ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan ang mabilis at maayos na pagtugon ng mga tauhan ng Coast Guard sa insidente.
Ayon sa PCG, ang matagumpay na rescue operation ay patunay ng patuloy nitong layunin na pangalagaan ang kaligtasan ng mga naglalayag sa karagatan sa pamamagitan ng maagap at maaasahang pagtugon sa mga maritime emergency.

















