Halos hindi pa rin kumikilos ang Tropical Depression Luis matapos mamataan alas-3:00 kaninang madaling-araw sa layong 130 kilometro silangan ng Casiguran, Aurora.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 70 kilometro kada oras.
Dahil sa epekto ng bagyo, inaasahan ang pag-ulan na may kasamang malalakas na hangin sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Quirino, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, Quezon, at Camarines Norte. Posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Samantala, makararanas naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat ang Metro Manila, Ilocos Region, Central Luzon, natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, CALABARZON, Occidental at Oriental Mindoro, at Marinduque dahil pa rin sa epekto ng Tropical Depression Luis.
Patuloy ring nakaaapekto ang Habagat o Southwest Monsoon sa Antique, Iloilo, Guimaras, at Negros Occidental, na maaaring magdulot ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Sa natitirang bahagi ng bansa, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat dulot ng localized thunderstorms. Nagbabala ang mga awtoridad sa posibilidad ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa kapag may malalakas na pag-ulan.
Samantala, nasa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility ang Typhoon Dolphin, na huling namataan sa layong 2,850 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging 155 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 190 kilometro kada oras habang kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.

















