Pinaigting ng 1st Infantry “Tabak” Division ng Philippine Army ang paghahanda sa seguridad at kahandaan ng mga yunit nito bilang bahagi ng paghahanda para sa Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14.
Sa magkahiwalay na command visit ni 1st Infantry Division Commander Major General Yegor Rey P. Barroquillo Jr., sinuri nito ang kahandaan ng 101st Infantry Brigade sa Malabang, Lanao del Sur, 103rd Infantry Brigade at Joint Task Group Haribon sa Maguing, Lanao del Sur, gayundin ang 2nd Mechanized Infantry Brigade sa Iligan City.
Sa mga isinagawang pagpupulong, tinalakay ang kasalukuyang sitwasyon sa seguridad, mga operasyon ng militar, at koordinasyon ng mga yunit upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng election security operations.
Ayon kay Major General Barroquillo, layunin ng kanilang mga hakbang na matiyak na malaya, ligtas, at walang pangamba na makaboboto ang bawat kwalipikadong botante sa Bangsamoro Parliamentary Elections.
Binigyang-diin din nito na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Tabak Division sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Western Mindanao sa panahon ng halalan.

















