Pinabulaanan ng Independent Election Monitoring Center-BARMM o IEMC-BARMM ang kumakalat na ulat na 39 na sundalo ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang hinarang at pinagdeposito ng armas ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa Lanao del Sur.
Kumalat sa social media kahapon Setyembre 9 ang naturang alegasyon na sinasabing pinahinto umano ng MILF ang mga sundalong dumaan sa isang kampo nito.
Gayunman, batay sa paunang beripikasyon ng IEMC-BARMM sa mga lokal na military contacts, walang naitalang insidente ng pagharang, komprontasyon o pag-agaw ng armas sa pagitan ng AFP at MILF sa lugar.
Binigyang-diin ng grupo na sensitibo ang ganitong uri ng impormasyon, lalo na ngayong papalapit ang Bangsamoro Parliamentary Election, dahil maaaring magdulot ng tensyon ang mga hindi beripikadong ulat tungkol sa galaw ng mga tropa at security operations.
Hinimok naman ng IEMC-BARMM ang publiko na beripikahin muna ang mga ganitong impormasyon at umasa sa opisyal na pahayag ng AFP, PNP at COMELEC-BARMM bago maniwala o magbahagi ng mga ulat kaugnay sa seguridad ng halalan.

















