Naglabas ng pahayag ang Philippine Statistics Authority-BARMM kaugnay ng naiulat na pagkakatuklas ng hinihinalang granada sa labas ng kanilang tanggapan sa Poblacion 4, Cotabato City ngayong umaga.
Ayon sa PSA-BARMM, batay sa mga kasalukuyang impormasyon, walang indikasyong partikular na nakatuon sa kanilang tanggapan, mga opisyal o empleyado ang naturang insidente.
Sinabi ng ahensya na agad nang siniguro ng mga awtoridad ang iniulat na live ammunition o ordnance para sa tamang paghawak, pagsusuri at imbestigasyon.
Nakikipag-ugnayan din ang PSA-BARMM sa mga law enforcement at security agencies para matukoy ang buong pangyayari.
Hinimok naman ng ahensya ang publiko na manatiling kalmado habang nagpapatuloy ang assessment ng mga awtoridad.
Samantala, ipinatutupad ang mga kaukulang precautionary measures sa loob at paligid ng tanggapan bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga empleyado at publiko.

















