Halos isang libong miyembro ng Moro National Liberation Front o MNLF mula sa Sulu ang lumahok sa National Peace Consciousness Month Service Caravan at paggunita sa ika-30 anibersaryo ng 1996 Final Peace Agreement sa bayan ng Indanan noong Setyembre 28, 2026.

Pinangunahan ang aktibidad ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU, katuwang ang Government of the Philippines at MNLF Peace Implementing Committee.

Layunin ng Service Caravan na mailapit sa mga miyembro ng MNLF, kanilang pamilya at mga komunidad ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan, kabilang ang mga programa para sa kababaihan, kabataan at mga bata.

Isinagawa rin ang magkakahiwalay na aktibidad para sa mga sektor, kabilang ang Kids for Peace, Women for Peace at Youth for Peace.

Dumalo sa aktibidad ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na naghatid ng serbisyong pangkalusugan, social welfare, trabaho, agrikultura, edukasyon, legal na tulong at iba pang serbisyo.

Nakiisa rin ang Armed Forces of the Philippines 11th Infantry Division, Philippine National Police-Sulu, Sulu State University, Notre Dame of Jolo College, Bangsamoro Women Commission at iba pang institusyon.

Isinagawa ang programa sa pakikipagtulungan sa Municipal Government of Indanan, na pinangunahan ni Mayor Albakil “Thong” Jikiri, at sa suporta ng Sulu Provincial Government at MNLF Peace Implementing Committee.

Tampok din sa aktibidad ang paggunita sa ika-30 anibersaryo ng paglagda sa 1996 Final Peace Agreement sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at MNLF.