Kinilala ng 6th Infantry (Kampilan) Division (6ID) ng Philippine Army ang naging papel ng 72nd Infantry Battalion (72IB), 10th Infantry Division, sa mga operasyong pangseguridad para sa Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) noong Setyembre 14, 2026.
Isinagawa ang pagkilala sa send-off ceremony noong Sabado Oktubre 10 sa 6th Division Training School sa Semba, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Nakatuon ang aktibidad sa naging tungkulin ng batalyon sa pagpapanatili ng seguridad ng mga botante, kawani ng halalan, at iba pang mga stakeholder sa panahon ng electoral process.
Ayon kay Brig. Gen. Ricky P. Bunayog, acting commander ng 6ID at Joint Task Force Central, bahagi ng tungkulin ng mga sundalo ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad habang isinasagawa ang mga operasyong may kaugnayan sa halalan.
Bahagi ang operasyon ng koordinadong hakbang ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Commission on Elections (COMELEC), at mga lokal na pamahalaan para sa seguridad ng halalan.
Dumalo rin sa seremonya si Brig. Gen. Larry C. Batalla ng Philippine Marine Corps, commander ng 1st Marine Brigade, kasama ang iba pang mga opisyal at tauhan ng militar.
Sa naturang aktibidad, inilahad ni Lt. Col. Pablo M. Masa-ad, commanding officer ng 72IB, ang mga ulat tungkol sa kakumpletuhan at kahandaan ng batalyon. Kabilang din sa programa ang inspeksiyon sa mga tropa at pamamaalam sa mga tauhan.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang 6ID sa mga katuwang na yunit at ahensiya sa pagsasagawa ng mga hakbang para sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Central Mindanao.

















