Tiniyak ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang patuloy na pagbabantay sa seguridad sa Cotabato City, kasabay ng panawagan sa publiko na manatiling kalmado sa kabila ng naunang mga insidente ng putukan sa lugar.
Ayon kay Lieutenant Colonel Ronald E. Suscano, spokesperson ng 6ID, wala na silang natatanggap na ulat ng mga putok, lalo na sa gabi, bagama’t wala pang malinaw na resolusyon sa sigalot ng magkabilang panig.
Kaugnay nito, humalili na ang 92nd Infantry Battalion o 92IB sa 72nd Infantry Battalion o 72IB, na itinalaga sa Cotabato City para sa seguridad noong Bangsamoro Parliamentary Elections.
Sinabi ni Suscano na isinagawa kamakailan ang send-off ceremony para sa 72IB, na ibabalik na sa ilalim ng 10th Infantry Division.
Ang 92IB, na nagmula sa Luzon at nasa ilalim ng Brigade Combat Team, ang katuwang ngayon ng Philippine Marines at Philippine National Police sa pagbabantay sa lungsod.
Patuloy namang hinihintay ang pagpapatuloy ng mga pag-uusap upang maresolba ang sigalot na iniuugnay sa kampo ng magkapatid na Ayunan at sa kabilang panig na inilalarawang isang base command ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Umaasa ang opisyal na matutukoy at mareresolba ang pinagmumulan ng alitan upang maiwasan ang panibagong putukan at ang pagdamay sa mga sibilyan.
Tiniyak din ni Suscano na ligtas ang mga pangunahing kalsada sa Cotabato City para sa mga residente at biyaherong mula sa ibang lalawigan, habang patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa lugar.
Kasabay nito, hinimok niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang katahimikan habang naghahanda ang Bangsamoro sa panunungkulan ng mga bagong halal na opisyal.

















