Ipinanawagan ni Bangsamoro Parliament Member at Women Sector Representative Engr. Aida M. Silongan ang paggalang sa karapatan ng mga Muslimah students na magsuot ng hijab habang nag-aaral sa Iligan Medical Center College (IMCC).

Sa inilabas na pahayag ni Silongan, nagpahayag ito ng matinding pagkabahala sa iniulat na polisiya ng College of Nursing ng nasabing paaralan na nag-aatas sa mga Muslimah students na tanggalin ang kanilang hijab sa ilang aktibidad ng departamento.

Binigyang-diin ni Silongan na walang babae ang dapat mapilitang mamili sa pagitan ng kaniyang pananampalataya at kinabukasan, kasabay ng panawagan na igalang ang karapatan, dignidad at pantay na oportunidad ng mga kababaihan.

Kinilala naman nito ang paghingi ng paumanhin ng IMCC, gayundin ang kahandaan nitong makipagdayalogo sa mga kinauukulang panig at repasuhin ang umiiral na uniform policy sa pamamagitan ng makabuluhang konsultasyon.

Ayon kay Silongan, positibong hakbang ito upang matugunan ang hinaing ng mga apektadong estudyante at maisulong ang isang mas inklusibong kapaligiran sa pag-aaral.

Umaasa rin ang mambabatas na hahantong ang nasabing usapin sa isang pangmatagalang polisiya na kumikilala sa kalayaan sa relihiyon at nagsisiguro na hindi na mauulit ang kaparehong suliranin sa hinaharap.

Binigyang-diin pa ni Silongan na hindi dapat maging hadlang ang pananampalataya ng isang babae sa kaniyang edukasyon at mga pangarap, at dapat na makapag-aral at makapaglingkod ang mga Muslimah students nang buo ang kanilang dignidad, pagkakakilanlan at pananampalataya.