Tiniyak ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Al Haj Murad Ebrahim na kailangan ang tuloy-tuloy at tapat na pagsisikap ng magkabilang panig upang ganap na maipatupad ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), kasunod ng pagtalakay sa pagpapatuloy ng proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro.

Inilahad ito ni Murad sa pakikipagpulong sa delegasyon na pinangunahan ni Irish Ambassador to the Philippines Emma Hickey sa MILF Central Committee Guest House sa Camp Darapanan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, kahapon, Nobyembre 9, 2026.

Kabilang sa mga dumalo sa pulong sina Monica McWilliams, dating miyembro ng Legislative Assembly of Northern Ireland; Salic “Exan” Sharief Jr., Philippine Director ng Conciliation Resources; at iba pang kinatawan ng organisasyon at Irish Embassy.

Tinalakay sa pagpupulong ang pagkakatulad ng kasaysayan ng pakikibaka ng Ireland para sa kalayaan at ng matagal nang pagsusulong ng mga Bangsamoro para sa sariling pagpapasya o self-determination.

Binigyang-pansin din ang mga sakripisyo, paghihirap at hamong pinagdaanan ng dalawang mamamayan sa kani-kanilang pakikibaka para sa kalayaan at pagkilala sa kanilang identidad.

Ibinahagi rin ni Ambassador Hickey ang mga alalahanin hinggil sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan at ganap na pagpapatupad ng CAB.

Bilang tugon, iginiit ni Murad na hindi maisasakatuparan ang kasunduan kung walang sapat, tapat at magkakatugmang pagsisikap mula sa MILF at pamahalaan ng Pilipinas.

Binigyang-diin niyang kapwa may responsibilidad ang dalawang panig na tiyakin ang matagumpay na pagpapatupad ng kasunduan, na nakasalalay sa kanilang paninindigan, political will at pagtupad sa mga napagkasunduan.

Muling pinagtibay sa naturang pagpupulong ang ugnayang historikal at pampulitika ng Ireland at Bangsamoro, partikular sa kanilang pagsusulong ng self-determination, pagkilala sa identidad at pagtugon sa mga kawalang-katarungan at marginalisasyong naranasan ng kanilang mga mamamayan.

Binigyang-diin din sa diyalogo na mahalaga ang katarungan, tunay na pagkilala at paggalang sa lehitimong hangarin ng mga mamamayan upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan.