Matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang inter-regional telesurgery sa bansa na nag-ugnay sa mga doktor sa Pampanga at Cotabato City, sa tulong ng dedicated network connection na inilaan ng Globe Business.
Mahigit 1,400 kilometro ang pagitan ng Jose B. Lingad Memorial General Hospital sa San Fernando, Pampanga, at Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City, kung saan sabay na nagsagawa ng operasyon ang mga surgical team gamit ang robotic surgery technology.
Sa naturang operasyon, nagamit ng mga espesyalista ang robotic system upang malayuang kontrolin ang mga surgical instrument na ginagamit sa mga pasyente sa kabilang ospital.
Nagbigay ang Globe Business ng pribado at nakalaang data connection sa dalawang pagamutan upang matiyak ang tuloy-tuloy na komunikasyon, malinaw na video transmission at mabilis na pagtugon ng robotic equipment.
Naitala umano ng network ang latency na aabot sa 0.76 milliseconds, na sumuporta sa real-time transmission ng 3D 4K video at audio mula sa operating room.
Naglaan din ng mga backup network route upang makatulong na maiwasan ang pagkaantala o pagkawala ng koneksyon habang isinasagawa ang operasyon.
Ayon kay Globe Business Vice President Glenn Estrella, mahalaga ang maaasahang internet connectivity sa mga serbisyong pangkalusugan dahil maaaring makaapekto sa katumpakan ng operasyon at kaligtasan ng pasyente ang anumang pagkaantala.
Dagdag pa niya, ipinakita ng operasyon kung paano makatutulong ang digital infrastructure upang magkaroon ng access ang mga ospital sa mga espesyalistang doktor kahit magkakalayo ang kanilang lokasyon.
Pinangunahan ang inisyatiba ng RBGM Medical Express Sales Inc., katuwang ang surgical robotics developer na SS Innovations at ang dalawang ospital.
Ginamit sa operasyon ang SSi Mantra 3.0 Surgical Robotic System, na nagsasalin ng galaw ng kamay ng surgeon tungo sa mas eksaktong pagkilos ng robotic instruments sa operating table sa kabilang ospital.
Magbibigay rin ang RBGM ng pagsasanay, teknikal na suporta at tulong sa pagpapalawak ng paggamit ng robotic surgery systems sa mga regional healthcare facility.
Samantala, itinutulak din ng Department of Health ang paggamit ng digital health services upang mapalawak ang access sa serbisyong medikal sa bansa.
Batay sa inilabas na impormasyon, 63 sa 70 ospital na direktang pinangangasiwaan ng DOH ang gumagamit na ng digital telemedicine para sa konsultasyon.
Ipinakita naman ng operasyon sa pagitan ng Pampanga at Cotabato City ang posibleng paggamit ng teknolohiya hindi lamang sa konsultasyon kundi maging sa mas komplikadong medical procedures.
Home Local News Kauna-unahang inter-regional telesurgery, matagumpay na naisagawa sa pagitan ng Pampanga at Cotabato...

















