Tinalakay ng pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Malaysian Facilitator ang pagpapatuloy ng proseso ng kapayapaan at pagpapanatili sa mga napagkasunduang bunga ng peace negotiations sa kanilang pagpupulong sa Camp Darapanan kahapon, Nobyembre 25.

Pinangunahan ni MILF Central Committee Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Al Haj Murad Ebrahim ang pagtanggap sa courtesy visit ni Malaysian Facilitator Tan Sri Zulkifli Zainal Abidin, kasama si Irsyad Arif mula sa Office of the Secretariat for the Malaysian Facilitator.

Kabilang din sa tinalakay sa pulong ang kapakanan at mga adhikain ng mga Bangsamoro, gayundin ang patuloy na pagsisikap na isulong ang proseso ng kapayapaan.

Nagpasalamat naman si Zulkifli sa pamunuan ng MILF, partikular kay Murad, sa kanilang patuloy na pagsisikap para sa kapakanan at kaunlaran ng mga Bangsamoro.

Gayon din, nagpahayag ng pasasalamat si Murad sa patuloy na suporta at kontribusyon ng Malaysian Facilitator at ng kanyang delegasyon sa proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro.