‎Umabot sa P57.4 milyon ang ipinagkaloob na financial assistance ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 287 barangay sa Maguindanao del Sur sa ilalim ng Bawat Barangay Makikinabang Program o BBMP.
‎
‎Bawat barangay ay nakatanggap ng tig-P200,000 na maaaring gamitin para sa mga proyektong pangkaunlaran at pangangailangan ng kanilang mga komunidad.
‎
‎Pinangunahan ng Office of the Special Assistant to the President o OSAP, sa pamumuno ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr., katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur, ang pamamahagi ng tulong noong Nobyembre 24 sa Mango Grove at the South sa Datu Anggal Midtimbang.
‎
‎Nagsilbing panauhing pandangal si Lagdameo at pinangunahan ang seremonyal na turnover ng pondo sa mga opisyal ng barangay.
‎
‎Pinondohan ang programa sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund o SCPF ng Office of the President, sa ilalim ng Presidential Assistance to Barangays.
‎
‎Ayon sa inilabas na impormasyon, layunin ng programa na mailapit ang pondo ng pambansang pamahalaan sa mga lokal na komunidad upang makatulong sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at pagsasakatuparan ng mga proyektong kailangan ng bawat barangay.
‎
‎Pinangunahan naman ni Governor Datu Ali M. Midtimbang ang pagho-host ng aktibidad bilang bahagi ng pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan sa pambansang pamahalaan.