Hinimok ni Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) Minister Atty. Naguib G. Sinarimbo ang mga bagong pumasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) na isabuhay ang integridad, malasakit at pananagutan sa kanilang propesyon.
Sa kanyang mensahe para sa mga LET passers, binigyang-diin ni Sinarimbo na mahalaga ang papel ng mga guro sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon at paghuhubog sa kinabukasan ng mga batang Bangsamoro.
Ayon sa opisyal, hindi lamang patunay ng kaalaman at kakayahan ang pagpasa sa licensure examination kundi isa ring mahalagang hakbang sa pagtupad sa responsibilidad na maglingkod sa mga mag-aaral.
Hinimok din niya ang mga bagong guro na panatilihin ang kanilang dedikasyon sa pagtuturo at tiyaking mabibigyan ng pagkakataong matuto at mapaunlad ang kakayahan ang bawat bata.
Kasabay nito, binati ni Sinarimbo ang lahat ng nakapasa sa September 2026 LET at tinanggap ang mga ito sa propesyon ng pagtuturo.

















