Patay ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa natutukoy na mga suspek sa Sitio Maliga, Barangay Mapayag, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur, dakong alas-9:40 ng umaga ngayong Nobyembre 26.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Datu Anggal Midtimbang Municipal Police Station, sakay ng itim at kahel na RUSI KR-Z200 motorcycle ang mga biktima at bumibiyahe patungo sa looban ng Barangay Mapayag nang buntutan at pagbabarilin ng mga suspek.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang lalaki na naging sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.
Agad namang tumakas ang mga suspek sa hindi pa batid na direksiyon matapos ang pamamaril.
Rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng pulisya katuwang ang 12th Mechanized Company ng Philippine Army at 1st Maneuver Platoon ng Maguindanao del Sur Provincial Mobile Force Company.
Patuloy ang imbestigasyon at pagkilala sa mga biktima at suspek, habang inaalam pa ang motibo sa krimen.

















