Nasawi ang isang 59-anyos na government employee matapos pagbabarilin sa Sitio Golf, Barangay Dalumangcob, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, dakong alas-10:30 ng umaga ngayong Nobyembre 26.
Kinilala ng Sultan Kudarat Municipal Police Station ang biktima na si Ebrahim Sampayan Abdullah, residente ng nasabing lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, paangkas na sana ang biktima sa kanyang kulay-abong Honda ADV motorcycle nang bigla siyang pagbabarilin ng suspek na kinilalang si alyas “Uto” gamit ang hindi pa natutukoy na mahabang baril.
Nagtamo ng mga tama ng bala ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay, habang tumakas naman ang suspek sa hindi pa batid na direksiyon.
Personal na alitan ang paunang motibong tinukoy sa insidente, ayon sa police report.
Nasa kustodiya pa rin ng imbestigasyon ang kaso habang nagsasagawa ng hot pursuit at dragnet operations ang pulisya katuwang ang mga puwersa ng Philippine Army upang matunton ang suspek na nananatiling at large.

















