Nasungkit ni Nashiema Abdullah Maulid Yusoph, 23-anyos mula sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, ang Top 2 sa September 2026 Licensure Examination for Teachers matapos makakuha ng 95.00 percent rating.

Sa panayam ng Star FM Cotabato, inamin ni Yusoph na hindi niya inaasahang magiging topnotcher dahil una niyang hinanap ang pangalan sa listahan ng mga pumasa.

Isa sa pinakamalaking hamon niya ang pangungulila sa pamilya habang nagre-review sa Davao City, kung saan kinailangan din niyang matutong mamuhay nang mag-isa at asikasuhin ang sariling pangangailangan.

Wala siyang sinusunod na nakatakdang study routine at nag-aaral lamang kapag nasa tamang kondisyon ang isip, kahit 10 hanggang 30 minuto kada session.

Inspirasyon niya ang kanyang ina na isa ring guro, na nag-udyok sa kanya na tahakin ang parehong propesyon.

Nagtapos si Yusoph ng Bachelor of Elementary Education (BEEd) sa Notre Dame University sa Cotabato City.

Payo niya sa mga susunod na kukuha ng LET na kilalanin ang sariling kakayahan, hanapin ang angkop na paraan ng pag-aaral, at huwag kalimutang magpahinga at alagaan ang sarili.

Nagpasalamat din siya sa kanyang mga magulang, kaibigan, at mga guro sa NDU na naging bahagi ng kanyang tagumpay.