Isinailalim sa kustodiya ng pulisya ang alkalde ng Nabalawag, Special Geographic Area (SGA), na si Datu Rhenz Maisalat Tukuran at kapatid nitong si Datu Pia Maisalat Tukuran matapos arestuhin sa Kabacan, Cotabato kahapon, Nobyembre 25.

Dakong alas-4:35 ng hapon nang isagawa ng mga tauhan ng Kabacan Municipal Police Station ang pag-aresto sa magkapatid sa Barangay Poblacion sa bisa ng warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 13 sa Cotabato City.

Kaugnay ito ng kasong frustrated murder sa ilalim ng Article 248, in relation to Article 6 ng Revised Penal Code, batay sa warrant na inilabas kamakalawa.

Nakatakda sa warrant ang inirekomendang piyansang 120,000 pesos para sa bawat kaso, habang isinailalim ang magkapatid sa kaukulang dokumentasyon at proseso bago iharap sa korte.

Si Tukuran, 39-anyos, ang kasalukuyang alkalde ng Nabalawag matapos manalo sa 2025 local elections.

Matatandaang iniulat noong Nobyembre 17 na kabilang din ang magkapatid sa siyam na indibidwal na pinaghahanap kaugnay ng hiwalay na kaso ng umano’y tangkang pagpatay kay Datu Piang Vice Mayor Mohammad Omar Samama.