Patay ang isang Assistant Comelec Officer na nakabase sa bayan ng Isulan matapos na barilin ito sa bahagi ng National Highway, Purok Sampaguita sa Barangay Poblacion, Pres. Quirino, Sultan Kudarat.

Kinilala ang napatay na si John Nico Allan Dionaldo Pandoy, may asawa at residente ng Barangay Poblacion, Pres. Quirino. Lumalabas sa paunang imbestigasyon na pauwi na ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo ng sundan ito ng riding in tandem at pinagbabaril.

Idineklarang dead on arrival sa pagamutan si Pandoy dahil sa tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan habang mabilis namang nakatakas ang gunman sa di tukoy na direksyon gamit ang getaway vehicle nito.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng PNP sa insidente.