Dumagsa nitong Sabado, Mayo 17, sa opisina ni MILF Central Committee Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Alhaj Murad Ebrahim ang mga bagong halal na municipal officials mula sa Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Pinangunahan ang delegasyon ni UBJP Executive Officer for SGA at kasalukuyang Bangsamoro Transition Authority (BTA) Member of Parliament Mohammad Kellie Antao, kasama ang mga bagong halal na opisyal mula sa iba’t ibang bayan ng SGA na nagwagi sa katatapos lamang na halalan.

Sa kanilang pakikipagpulong kay Chairman Ebrahim, ipinaabot ng mga opisyal ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa suporta ng mamamayang Bangsamoro at sa tiwalang ibinigay sa kanila. Anila, buo ang kanilang hangarin na isulong ang tapat at makatarungang pamumuno sa ilalim ng prinsipyong moral governance.

Sa kanyang mensahe, muling binigyang-diin ni Chairman Ebrahim ang layunin ng UBJP — ang pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at tunay na kaunlaran. Giit niya, bahagi ito ng mas malawak na hakbang tungo sa pag-asa at mas maliwanag na kinabukasan para sa bawat rehiyon at komunidad ng Bangsamoro.