Isang lalaki ang nasawi habang tatlo ang sugatan, kabilang ang isang 15-anyos na binatilyo, matapos ang insidente ng pamamaril bandang alas-4:30 ng hapon kahapon sa kahabaan ng Dalican-Bagoingued Road, Barangay Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Kinilala ang nasawi na si Muslimin Wari Angkanan, isang magsasaka at residente ng Barangay Bagoingued. Ayon sa ulat mula sa pulisya, natagpuang nakahandusay si Angkanan sa gilid ng kalsada katabi ang kanyang motorsiklo. Agad siyang naisugod sa Datu Odin Sinsuat District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Sugatan din sa insidente ang dalawa niyang kamag-anak na sina Esmail Ulimpain Angkanan, 25, at Ebner Ulimpain Laguindab, 27, kapwa magsasaka. Pareho silang dinala sa ospital at kalauna’y inilipat sa ibang pasilidad para sa karagdagang gamutan.

Samantala, nadamay rin sa insidente ang isang 15-anyos na binatilyo na kinilalang si alyas Ali, na tinamaan umano ng ligaw na bala habang nasa lugar.

Narekober sa crime scene ang ilang basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa cal. 5.56mm na baril.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang mga responsable sa pamamaril at ang motibo sa likod ng krimen.