Buo ang suporta ni BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua sa nalalapit na unang Bangsamoro Parliamentary Elections na gaganapin sa Oktubre 13, 2025.

Sa kanyang opisyal na pahayag, binigyang-diin ni Minister Macacua ang malaking progreso ng rehiyon tungo sa kapayapaan at katatagan. Aniya, sinusuportahan niya ang panawagan ng Pambansang Pamahalaan at ni MILF Chairman Ahod “Al Hajj Murad” Ebrahim na isagawa ang halalan alinsunod sa Republic Act No. 12123.

Ayon kay Macacua, mahalaga ang eleksyong ito upang matiyak na maririnig ang tinig ng mamamayang Bangsamoro at maisulong ang kanilang karapatan na makapili ng mga lider na huhubog sa kinabukasan ng rehiyon.

Dagdag pa niya, ang halalan ay isang pagkakataon upang lalo pang mapatatag ang mga prinsipyo ng demokrasya sa pamahalaan ng BARMM at mapalakas ang pananagutan ng mga halal na opisyal.

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, sinabi ni Macacua na sa pagtutulungan ng lahat, sabay-sabay nilang itatayo ang isang mas maliwanag na kinabukasan na nakabatay sa Islam, demokrasya, at katarungan.