Nagpahayag ng matinding pangamba si Bangsamoro Transition Authority (BTA) Deputy Floor Leader at Member of Parliament Atty. Suharto “Teng” Ambolodto, MNSA, kaugnay sa bilyon-bilyong pisong pondo ng BARMM na nananatiling hindi nagagamit at ang posibleng masamang epekto nito sa ekonomiya ng rehiyon.
Ayon kay Ambolodto, bagama’t naitala ang pag-angat ng sektor ng serbisyo sa 42 porsiyento, kapansin-pansin naman ang matinding pagbagsak ng sektor ng agrikultura, partikular sa forestry at fishing, na mula sa 7.1 porsiyento ay bumagsak sa minus 4.2 porsiyento.
Binanggit din ng mambabatas ang pagtaas ng illiteracy rate sa rehiyon, kung saan dumarami ang bilang ng mga batang hindi marunong bumasa at sumulat, na aniya’y nagpapalala sa pangmatagalang suliranin ng BARMM.
Nagbabala si MP Ambolodto na kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon at hindi agad mabibigyan ng angkop na solusyon, maaari itong mauwi sa tinatawag niyang “peace trap,” o isang kalagayang humahadlang sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.
Kabilang sa mga pangunahing problemang dapat tugunan ng pamahalaan ng rehiyon, ayon sa kanya, ang kakulangan sa trabaho at ang patuloy na pagkalugi ng mga magsasaka, sa kabila ng malaking block grant na tinatanggap ng BARMM mula sa pambansang pamahalaan.

















