Isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya ang naisakatuparan matapos matagumpay na makapagparehistro ang 51 micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa Lungsod ng Lamitan sa Basilan.

Isinagawa ang libreng Business Name Registration activity mula Abril 14 hanggang 17 sa pangunguna ng Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT) Basilan Provincial Office. Bahagi ito ng programang Building Relation for Inclusive Development, Growth, and Economic Empowerment (BRIDGE), na naglalayong ilapit ang mahahalagang serbisyo ng pamahalaan sa mga lokal na negosyante.
Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, nabigyan ng pagkakataon ang mga MSME na makumpleto ang kanilang business name registration nang hindi na kinakailangang gumastos o bumiyahe nang malayo. Para sa marami, ito ay matagal nang hamon dahil sa limitadong access sa impormasyon, gastos, at distansya.

Ayon sa MTIT, ang pagpaparehistro ng negosyo ay isang mahalagang hakbang upang maging legal ang operasyon ng isang negosyo at mabuksan ang mas maraming oportunidad. Kabilang dito ang pagkakaroon ng tiwala ng mga mamimili, pakikipag-ugnayan sa mas malalaking merkado, at pagiging kwalipikado sa mga pautang, pagsasanay, at iba pang suportang mula sa gobyerno.

Isa sa mga benepisyaryo ng programa ay si Julie Sahid, isang negosyante mula sa Lamitan, na nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa isinagawang aktibidad. Ayon sa kanya, malaking tulong ang on-site registration dahil nakatipid siya sa pamasahe at oras.
“Mas naging confident ako magbenta kasi may pangalan na ang negosyo ko,” ani Sahid. Dagdag pa niya, mas naging inspirado siya na palaguin ang kanyang negosyo at palawakin ang kanyang merkado.
Hinimok din niya ang iba pang maliliit na negosyante na samantalahin ang mga ganitong programa ng gobyerno, lalo na’t marami pa rin ang hindi nakakaalam sa mga serbisyong maaaring makatulong sa kanila.
Sa patuloy na pagpapatupad ng BRIDGE program, layunin ng MTIT na mas mapalakas ang ugnayan sa mga komunidad at matugunan ang pangangailangan ng mga MSME—mula sa pagpaparehistro ng negosyo hanggang sa access sa pondo, pagsasanay, at suporta sa merkado.
Naniniwala ang kagawaran na ang pormalisasyon ng negosyo ay simula pa lamang ng mas malawak na oportunidad. Sa aktibong pakikilahok ng mga MSME, inaasahang mas mapatitibay ang kanilang mga negosyo at mas mapapalago ang ekonomiya sa rehiyon ng Bangsamoro.

















