Opisyal nang naging bahagi ang Bangsamoro Youth Commission (BYC) ng TAEF Youth Ecosystem, isang international platform na naglalayong palakasin ang pangmatagalang pakikipag-ugnayan at kolaborasyon ng mga kabataan sa iba’t ibang bansa.

Ayon sa Bangsamoro Youth Commission, layunin ng TAEF Youth Ecosystem na bigyang-lakas ang mga kabataang lider at palawakin ang kanilang papel sa paghubog ng pampublikong diskurso, pagpapaunlad ng mga komunidad, at pagsusulong ng kooperasyong panrehiyon sa Indo-Pacific.

Sa pamamagitan ng naturang inisyatiba, kinikilala ang mga kabataan hindi lamang bilang mga susunod na lider kundi bilang aktibong katuwang sa pagsusulong ng positibong pagbabago sa lipunan.

Kabilang sa mga organisasyong bumubuo sa TAEF Youth Ecosystem ang Taiwan-Asia Exchange Foundation (TAEF) ng Taiwan, Digital Defense Alliance Singapore (DDAS) ng Singapore, ASEAN-Australia Strategic Youth Partnership (AASYP) ng Australia, Bangsamoro Youth Commission ng Pilipinas, at Orphan Love Foundation ng Bangladesh.

Ayon pa sa Bangsamoro Youth Commission, inaasahang magbubukas ang naturang partnership ng mas maraming oportunidad para sa Bangsamoro youth sa pamamagitan ng international collaboration, dialogue, at youth development initiatives.