Nasakote ng mga operatiba ng Police Station 3 ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Islam, Barangay Poblacion 2, Cotabato City nitong Mayo 18, 2026.
Kinilala lamang sa alyas na “Datu” at “Abo” ang mga suspek na naaresto bandang alas-4:15 ng hapon sa pangunguna ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Police Station 3 sa pamumuno ni PCPT Al-Grahammad B. Pompong, Officer-in-Charge.
Kasama rin sa operasyon ang Cotabato City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), Police Station 1, at PDEA-BARMM.
Ayon sa ulat, matagumpay na nakabili ang isang police poseur buyer, sa tulong ng confidential agent, ng dalawang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 0.2 gramo at may street value na P500.
Agad na inaresto ang dalawang suspek matapos ang transaksyon at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy namang pinaigting ng Cotabato City Police Office ang kampanya laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng programang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas.”

















