Nasawi ang dalawang sundalo matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo sa kahabaan ng Davao-Cotabato National Highway sa Barangay Ladia, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, bandang alas-6:10 ng gabi kahapon Setyembre 23, 2026.
Kinilala ang mga biktima na sina PFC Jobert C. Labuson at PFC Johmark C. Dumaguing, kapwa miyembro ng Bravo Company, 7th Infantry Battalion, 6th Infantry Division ng Philippine Army.
Ayon sa inisyal na impormasyon, sakay ang dalawang biktima ng itim na Kawasaki Bajaj nang umano’y tambangan at sundan ng dalawang suspek na sakay ng puting Yamaha NMAX.
Pinaputukan umano ng mga suspek ang mga biktima gamit ang hinihinalang kalibre .45 na baril. Tatlong basyo ng bala ang narekober sa crime scene.
Isinugod ang mga biktima sa Cotabato Regional and Medical Center, habang patuloy ang imbestigasyon at intelligence gathering para matukoy ang mga suspek na nananatiling nakatakas. Ang motibo sa insidente ay hindi pa natutukoy.

















