Nagbahagi ng kaniyang legal na pananaw ang dating Solicitor General ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM kaugnay sa umiiral na diskusyon tungkol sa kahulugan ng terminong “MILF-led” sa Bangsamoro Transition Authority o BTA.
Ayon kay Atty. Frances Cynthia J. Guiani, na nagsilbi sa ilalim ng dalawang Regional Governor ng ARMM, mahalagang maunawaan ang konteksto ng Republic Act 11054 o Bangsamoro Organic Law kung saan nakasaad na ang BTA ay dapat “MILF-led.
”Ipinaliwanag nito na batay sa desisyon ng Korte Suprema sa tinatawag na “Sulu Case” noong 2024, kinilala ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM bilang isang “unique political entity” at hindi lamang isang ordinaryong local government unit.
Dahil dito, iginiit ni Guiani na ang BTA ay itinuturing na peace-building mechanism na nag-ugat sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB na nilagdaan noong 2014 sa pagitan ng Pamahalaan ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Aniya, sa Annex on Transitional Modalities ng kasunduan, binanggit na ang BTA ay “MILF-led,” na ayon sa kaniyang interpretasyon ay nangangahulugan ng pamumuno na may malinaw na representasyon mula sa organisasyon bilang isang entidad.
Binigyang-diin din nito na sa isang 80-miyembrong BTA Parliament, kinakailangan ang mayorya upang masabing namumuno ang isang grupo, at iginiit na ang mga itatalaga ay dapat may basbas ng pamunuan ng MILF.
Tinukoy rin ni Guiani ang probisyon sa Bangsamoro Civil Service Code kung saan kinakailangan ang sertipikasyon mula sa chairman ng central committee ng MILF o MNLF para makilala ang eligibility ng kanilang mga miyembro na papasok sa serbisyo publiko.
Sa kasalukuyan, nakabinbin sa Korte Suprema ang petisyon kaugnay sa usapin, at ayon kay Guiani, ang magiging pasya ng mataas na hukuman ang magbibigay-linaw kung paano dapat ipakahulugan ang terminong “MILF-led” sa ilalim ng batas.

















