Sinusuri ng pulisya ang isang Facebook post na naglalaman umano ng banta ng mass shooting sa Parang National High School sa Parang, Maguindanao del Norte.

Ayon sa Parang Municipal Police Station, natanggap nila ang impormasyon dakong alas-8:30 kagabi Agosto 20, 2026, kaugnay ng post na umano’y nagbabanta ng pamamaril sa paaralan ngayong Agosto 21.

Ginamit umano sa naturang post ang Facebook account na may username na “Fiah Ra Shine.”

Agad na ipinasa ng Parang MPS ang impormasyon sa kanilang Intelligence Section para sa beripikasyon at pagtukoy sa nasa likod ng account.

Isang lalaki na kinilalang si alyas Mark, residente ng Barangay Poblacion 1, Parang, ang natukoy at inimbitahan ng pulisya para sa pagtatanong matapos matunton ang taong nasa mga larawang nakapaloob sa naturang Facebook account.

Gayunman, itinanggi ni alyas Mark na siya ang may-ari ng account at iginiit na biktima umano siya ng identity theft.

Dahil dito, nakipag-ugnayan ang Parang MPS sa Regional Anti-Cybercrime Unit BARMM para sa pagtukoy at pag-trace sa totoong gumagamit ng naturang Facebook account at sa nag-upload ng post.

Patuloy naman ang beripikasyon at pangangalap ng impormasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang nasa likod ng umano’y pekeng account at masuri ang banta sa paaralan.