Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA ang paggalaw ng Severe Tropical Storm Domeng, matapos mamataan ang sentro nito bandang alas-3:00 ng madaling araw ngayong Sabado, May 30 sa layong 980 kilometro silangan ng Northern Luzon. Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 115 kilometro kada oras habang kumikilos pakanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Ayon sa PAGASA, patuloy na nakaaapekto ang southwesterly windflow sa Visayas, Mindanao, at kanlurang bahagi ng Southern Luzon na magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa ilang lugar.

Kabilang sa mga inaasahang makararanas ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil sa trough o buntot ng bagyo ang Bicol Region, Batanes, Ilocos Norte, Apayao, Cagayan, Quezon, Northern Samar, Eastern Samar, at Samar. Samantala, makararanas din ng kaparehong lagay ng panahon ang MIMAROPA, Western Visayas, Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, BARMM, Batangas, at Lanao del Norte dulot naman ng southwesterly windflow.

Nagbabala rin ang state weather bureau sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang minsang malalakas na pag-ulan. Habang sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan naman ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.

Pinapayuhan naman ang publiko na manatiling alerto at patuloy na subaybayan ang mga weather advisories upang makaiwas sa anumang panganib dulot ng masamang panahon.