Umakyat na sa kategoryang typhoon ang bagyong Domeng matapos itong magpalakas pa habang kumikilos sa karagatan sa silangan ng Northern Luzon.

Batay sa pinakahuling tala ng weather bureau, namataan ang sentro ng Typhoon Domeng (international name: Jangmi) sa layong 815 kilometro silangan ng Northern Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot hanggang 150 kilometro kada oras.

Patuloy itong kumikilos pahilagang-kanluran o northwest sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Samantala, nananatiling umiiral ang Southwest Monsoon o Habagat na nakaaapekto sa Visayas, Mindanao, at mga kanlurang bahagi ng Southern Luzon.

Dahil dito, inaasahan ang kalat-kalat hanggang sa malalakas na pag-ulan at pabugso-bugsong hangin sa mga lugar na apektado ng Habagat.