Nasakote ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency–BARMM (PDEA-BARMM) ang limang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos mabuwag ang isang drug den sa isinagawang buy-bust operation sa Cotabato City noong Hunyo 10, 2026.

Pinangunahan ng PDEA Maguindanao del Sur Provincial Office ang operasyon sa isang bahay sa Purok Sentro, 2nd Batch Krislamville, Barangay Rosary Heights VI, katuwang ang City Drug Enforcement Unit ng Cotabato City Police Office, PNP Maritime Group, Philippine Drug Enforcement Group, at City Intelligence Unit.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga naarestong suspek na sina alyas “Yoyong,” 52-anyos at itinuturong drug den maintainer; alyas “Jimboy,” 25-anyos; alyas “Adrian,” 21-anyos; alyas “Rowejey,” 21-anyos; at alyas “Jomar,” 21-anyos. Lahat ng mga ito ay residente ng nasabing lugar.

Nakumpiska sa operasyon ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 10 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱68,000. Nasamsam din ang isang mobile phone at iba’t ibang drug paraphernalia na pinaniniwalaang ginagamit sa loob ng drug den.

Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kabilang ang pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga, pagpapatakbo ng drug den, pagbisita o pananatili sa drug den, paggamit ng ilegal na droga, at pagmamay-ari ng drug paraphernalia.

Ayon sa PDEA-BARMM, patuloy ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mga komunidad sa rehiyon.