Iniligtas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region XII, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, ang isang endangered melon-headed whale (Peponocephala electra) na napadpad sa baybayin ng Glan, Sarangani Province noong July 18.

Ayon sa DENR XII, agad na nagsagawa ng rescue operation ang Sarangani Bay Protected Seascape (SBPS) Megafauna Response Team matapos makatanggap ng ulat hinggil sa pagkapadpad ng balyena bandang alas-4:00 ng hapon.

Sa paunang pagsusuri, napag-alamang payat ang balyena at nakararanas ng buoyancy impairment, dahilan upang hindi ito makalangoy nang maayos. Dahil dito, agad na isinailalim sa pangangalaga ang hayop habang siniguro ng mga responder na manatiling basa ang katawan nito upang maiwasan ang dehydration. Nilimitahan din ang paglapit ng mga tao at iba pang posibleng makadagdag sa stress ng balyena.

Kahapon, Juluy 19, ligtas na inilipat ang balyena, na pinangalanang “Uno,” sa Marine Wildlife Rescue Center ng Sarangani Bay Protected Seascape kung saan ito ngayon ay sumasailalim sa masusing gamutan at patuloy na minomonitor ng mga eksperto.

Ayon sa DENR XII, si “Uno” ang kauna-unahang melon-headed whale na isinailalim sa rehabilitasyon sa naturang pasilidad, isang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng marine wildlife rescue at rehabilitation program sa rehiyon.

Nakipag-ugnayan din ang DENR sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Office of the Municipal Agriculturist, Philippine Coast Guard, at PNP Maritime Group upang matiyak ang maayos na pagliligtas at pangangalaga sa balyena.

Batay sa inisyal na pagsusuri, lalaki ang balyena at may habang 247 sentimetro.

Mahigpit na protektado sa ilalim ng Fisheries Administrative Order No. 208-1, Series of 2024 ang melon-headed whale, na kabilang sa mga endangered marine species sa bansa.