Lalo pang umiinit ang bangayan nina Senator Panfilo “Ping” Lacson at Senator Alan Peter Cayetano matapos ihayag ni Lacson na may mga indibidwal na handang magbigay ng mga ebidensya laban kay Cayetano na maaari umanong maging batayan sa pagsasampa ng kaso.

Ayon kay Lacson, lumampas na umano sa hangganan ang mga akusasyon ni Cayetano laban sa kanya kaya’t hindi na niya ito palalagpasin at nakahanda siyang ipagtanggol ang kanyang pangalan at integridad.

Nag-ugat ang tensyon matapos kuwestiyunin ni Cayetano ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Lacson, partikular ang umano’y pagtaas ng net worth nito noong 2025 kahit hindi na siya nanunungkulan sa gobyerno.

Gayunman, nilinaw ni Cayetano na hindi niya kinukuwestiyon ang integridad ni Lacson kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa mga flood control projects, kundi ang mga personalidad na umano’y sangkot sa isyu.

Sa hiwalay namang pahayag, iginiit ni Lacson na wala siyang naging kaso ng katiwalian sa kanyang panunungkulan sa pamahalaan.
Ayon sa senador, lehitimo ang pagtaas ng kanyang kita dahil sa kanyang mga pribadong negosyo matapos siyang umalis sa serbisyo publiko, at aniya’y suportado ito ng kanyang mga income tax return.

Binigyang-diin din ni Lacson na wala siyang natanggap na anumang kickback mula sa mga proyekto ng gobyerno, kabilang ang slope protection at iba pang infrastructure projects.

Kasabay nito, inakusahan din ni Lacson si Cayetano na umano’y may kinalaman sa bilyun-bilyong pisong budget insertions sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.

Sa ngayon, wala pang pormal na kasong naihahain ang alinmang panig kaugnay ng kanilang mga alegasyon laban sa isa’t isa.