Isang lalaki ang sugatan matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Brgy. Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, bandang 3:50 ng hapon noong Hunyo 9, 2026.

Kinilala ang biktima sa alyas na Mok, nasa legal na edad, may asawa, at residente ng Brgy. Alamada, Sultan Kudarat.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nasa lugar ang biktima para sa personal na transaksyon nang lapitan at paputukan ng tatlong beses ng mga suspek na armado umano ng maikling baril. Tumakas ang mga ito sakay ng motorsiklo patungong hilagang-silangan matapos ang insidente.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sultan Kudarat Municipal Police Station matapos makatanggap ng tawag bandang 3:55 ng hapon at nakarating sa lugar ng krimen ganap na 4:15 ng hapon. Dinala naman ang biktima sa Cotabato Sanitarium and General Hospital para sa agarang lunas.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala at isang slug na posibleng ebidensya sa pamamaril. Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation at hot pursuit ang mga awtoridad, kabilang ang pagkalap ng CCTV footage upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Sa ngayon, inaalam pa ang motibo sa insidente habang hinihintay ang karagdagang resulta ng imbestigasyon.